Itinanggi ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang ibinunyag ni Philippine Red Cross (PRC) Chairman at Senator Richard Gordon na sinisingil ng hanggang P20,000 ang Overseas Filipino Workers (OFWs) na sumasailalim sa COVID-19 test sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa MIAA, walang binabayaran ang OFWs na sumasailalim sa swab test sa paliparan dahil ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang nagbabayad nito.
Ang resulta ay inilalabas sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.
Paliwanag pa ng MIAA, para naman sa non-OFWs, dalawang private laboratories ang gumagawa ng RT-PCR test sa kanila.
Ang isa ay ang Philippine Airline (PAL) at ang partner laboratory nitong Detoxicare sa NAIA Terminal 2.
Habang ang isa ay ang Philippine Airport Ground Support Solutions, Inc. (PAGSS) at ang partner laboratory nitong Ph Airport Diagnostic Lab para naman sa NAIA Terminals 1 at 3.
Nilinaw ng MIAA na ang mga nabanggit na private laboratories ay nagsimula ng kanilang operasyon sa NAIA terminals noon pang July.
Ito ay alinsunod sa Memorandum of Agreement (MOA) ng Task Group on Management of Returning Overseas Filipinos (TG-MROF).
Idinagdag pa ng MIAA na ang OFWs na nagbabayad para sa kanilang swab test ay yung mga nagmamadali na mailabas agad ang resulta ng pagsusuri dahil sa emergency cases tulad ng mga namatayan at may kaanak na may emergency medical condition.