MIAA, may panawagan sa mga may-ari ng sasakyang nasunog kahapon

Maglalatag na ng karagdagang measure ang Manila International Airport Authority (MIAA) para hindi na maulit ang nangyaring sunog sa parking area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na pinamamahalaan ng isang private concessionaire.

Sa panayam ng RMN Manila kay Atty. Chris Bendijo, Head and Executive Assistant ng MIAA, kabilang na rito ang paglalagay ng standby firetruck sa NAIA Terminal 3 parking extension.

Magbibigay na rin sila ng mas malalaking fire extinguisher sa parking area.


Lumalabas kasi sa imbestigasyon na sinubukan ng ilang guwardiya ng parking area na apulain ang apoy gamit ang fire extinguisher pero hindi ito umubra.

Kasabay nito, may panawagan naman ang MIAA sa lahat ng mga gagamit sa parking area lalo na ngayong mainit ang lagay ng panahon.

Kung maaalala, labing-siyam na sasakyan ang naabo sa naganap na sunog kahapon sa naturang parking space.

Nanawagan naman ang MIAA sa mga nagmamay-ari ng mga nasunog na sasakyan na makipag-ugnayan sa kanila para sa ibibigay na tulong.

Facebook Comments