Ikinatuwa ng MIAA Medical Team sa NAIA 3 ang papuri at malaking pasasalamat na tinanggap nila mula sa RMN Networks, DZXL News 558, at ang Pamilya Canoy.
Ito ay dahil sa mabilis na pagresponde at pag-revive ng naturang Medical Team sa isang unresponsive na babaeng pasaherong senior citizen.
Patungo sana ng Cebu ang pasahero via Cebu Pacific flight 5J585 kaninang umaga 8:30 AM nang mawalan ito ng pulso habang nasa pre-departure area.
Mabilis naman na nakapagresponde ang MIAA Medical Team at na-revive ang pasahero.
Mismong ang ambulansya rin ng MIAA Medical Team ang ginamit sa pagsugod sa pasahero sa Makati Medical Center.
Sa ngayon, nasa ligtas nang kalagayan ang pasyente habang patuloy na nagpapagaling sa nasabing ospital.
Ayon kay Dr. Blesylda Tatad Busto, head ng MIAA Medical Team sa NAIA 3, nakakataba ng puso ang inani nilang papuri bagamat sanay aniya sila magbigay ng emergency medical assistance sa mga nangangailangan na pasahero.
Maging si Manila International Airport Authority General Manager Eric Jose Ines ay nalugod din dahil na-appreciate aniya ng RMN Networks at ng Pamilya Canoy ang ginawang pagresponde ng MIAA Medical Team sa pasahero.
Pinuri rin ni GM Ines ang grupo ni Dra. Busto sa mabilis na pagresponde nito kung saan naisalba ang buhay ng isang senior citizen na pasahero.
Kabilang sa bumubuo sa MIAA Medial Team ay sina:
• Dra. Blesylda Tatad Busto, MD
Registered Nurses na sina:
• Alison Cardona Estrella, RN
• Amor L. Mendiola, RN
• Donato C. Corcuera Jr, RN
• Roselyn H. Encallado, RN
• Clarisa G. Martin, RN
Medical Assistant – John Llenard M. Villancio at ang driver ng ambulansya na si Ronald G. Agno.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni GM Ines sa MIAA Praise Committee na bigyan ng recognition/commendation sa June flag raising ceremony ang MIAA Medical Team ng NAIA 3.