Nag-abiso ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa serye ng electrical maintenance activities sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Bahagi pa rin ito ng pag-upgrade ng electrical system sa NAIA 3.
Bunga nito, tatlong oras na magkakaroon ng power interruption sa Terminal 3, mula 12:01 AM hanggang 3:00 AM sa November 29, 2023.
Ayon sa MIAA, ang Segmented power-related maintenance works ay magpapatuloy hanggang sa December 13, 2023.
Pangungunahan aniya ng Meralco ang pag-upgrade sa power cables sa paliparan.
Habang ang MIAA naman ang magpapalit ng medium voltage circuit breakers, relays, at ang optimization ng protection settings.
Tiniyak naman ng MIAA na may nakalaan silang generator sets para sa mahahalagang equipment at mga pasilidad sa airport para matiyak na walang maaapektuhang flight operations.
Nilinaw naman ng MIAA na magkakaroon ng limitadong disruptions sa NAIA 3, pero mananatiling fully operational ang itinuturing na critical systems, tulad ng check-in counters, immigration booths, security scanners, boarding bridges, conveyor belts, at iba pang pivotal areas.