Kinumpirma ng Manila International Airport Authority ang pag-escort ng Airport Police Department (APD) sa mga sasakyan na pumasok sa Balagbag ramp noong February 13, 2023 ng gabi.
Partikular ang mga pasaherong sumakay sa chartered flight ng Globan Aviation Corporation patungong Dubai.
Nilinaw naman ng MIAA na ang assistance na ginawa ng APD ay naaayon sa standard operating procedures.
Ayon sa MIAA, obligado ang APD na gamitin ang kanilang patrol cars sa pag-escort sa mga sasakyang pumapasok sa rampa na walang blinkers at walang permit ng MIAA para sa Aircraft Movement Area (AMA).
Sa kabila nito, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang MIAA base sa kahilingan ni PNP AVSeu NCR Chief PCol. Rhoderick Campo hinggil sa paglabag daw sa paghandle sa nasabing flight.
Una nang nagpaliwanag si Immigration Commissioner Norman Tansingco at sinabi nito na lahat na sakay ng nasabing flight ay dumaan sa derogatory checks at naging compliant naman sila sa immigration formalities.
Ang naturang chartered flight ay may sakay na sampu kung saan ang tatlo rito ay mga crew.