Nagpaalala ang Manila International Airport Authority (MIAA) na huwag nang magtungo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung walang schedule o confirmed flights.
Sa naging pahayag ni MIAA General Manager Ed Monreal, ikinagulat ng pamunuan ng NAIA nang magpunta sa paliparan ang grupo ng Locally Stranded Individuals (LSIs) at nanatili buong gabi sa NAIA upang magbakasakali na makakakuha ng walk-in flight bookings.
Ito’y para makauwi na sila sa kani-kanilang probinsya matapos na isailaim sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila at iba pang lalawigan dahil sa COVID-19 pandemic.
Matatandaan na unang sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na papayagan ang domestic flights sa mga lugar sa ilalim ng GCQ kung may maayos na koordinasyon sa mga concerned Local Government Units (LGUs).
Ayon kay Monreal, may ilan silang nakausap na nagbabakasakaling pasahero kung saan sinabihan umano sila na magtungo daw sa NAIA Terminal 2 dahil mayroon daw mga flight na patungo sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Kaya’t dahil dito, mas ginusto nilang magpalipas ng magdamag para hintayin kung magkakaroon ng available flights.
Dahil dito, nababahala si Monreal na maaaring maging banta sa kalusugan ang patuloy at mahabang pananatili ng mga na-stranded na pasahero sa labas ng paliparan.
Sa kabila nito, sinabi ni Monreal na nagbibigay ng pagkain ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at namamahagi naman ng personal care kits ang MIAA sa mga LSI pero umaapela siya sa iba na siguruhing may confirmed booking at valid tickets na bago magpunta ng paliparan.