MIAA, nakakapagtala na ng 75,000 na pasahero kada araw sa NAIA terminals

Kinumpirma ni Manila International Airport Authority (MIAA) OIC General Manager Cesar Chiong na 75,000 na inbound at outbound passenger ang dumadagsa ngayon sa NAIA terminals kada araw.

Ayon kay Chiong, inaasahan nila na habang papalapit ang undas ay papalo ng 85,000 kada araw ang mga pasaherong dadagsa sa paliparan lalo na sa domestic destinations.

Kinumpirma rin ni Chiong na sa ngayon ay nasa 120% na ang domestic operations sa NAIA habang 52% ang international operations.


Inaasahan aniyang sa Disyembre ay lalo pang tataas ang volume ng mga pasahero sa NAIA lalo na’t sunud-sunod ang pagbubukas ng local air carriers ng mga ruta sa iba’t ibang bansa sa Asya.

Bukod sa Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga balikbayan, patuloy rin ang pagdagsa sa bansa ng mga dayuhang turista.

Facebook Comments