Nag-remit ang Manila International Airport Authority (MIAA) ng P3.42 billion na dividendo sa National Government para sa taong 2018 nito lamang May 15, 2019.
Ang pagbabayad ng dividendo para sa nakaraang taon sa national treasury ay ang pinakamataas sa kasaysayan ng MIAA, na lumampas ng higit sa 50% ng remittance ng 2017 na noon ay ang pinakamataas na naitalang pagbabayad ng dividendo sa huling dalawang dekada.
Kasunod nito hinimok ni MIAA General Manager na si Ed Monreal, ang mga kawani ng MIAA na naglilingkod sa pangunahing gateway ng bansa na ipagpatuloy ang pagsisikap upang mapabuti ang fiscal management nang sa gayon ay matiyak ang epektibo at mahusay na paghahatid ng mga serbisyo ng paliparan sa NAIA.
Sinabi pa nito na ang pagtaas ng kita ng MIAA ay dahil sa increase o pagdami ng bilang ng mga flights at pasahero, pagpapataw ng parking rates sa terminal pati na rin ang pagbubukas ng mga karagdagang parking area.
Umaasa naman ang MIAA na dahil sa malaking dividendo o kita ay magiging bahagi muli ng “Billionaires Club”, ang MIAA na isang elite circle ng GOCCs na nag-aambag ng bilyun-bilyong piso na dividendo sa National Government.