Umalma ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa anila’y maling statement na inilabas ng New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) hinggil sa protocol noon sa pagpapatupad ng VIP service.
Sa statement ng MIAA, inupakan nito ang anila’y mistulang pinalalabas ng NNIC na nagkaroon ng paglabag sa protocols sa kanilang sistema sa pagpapatupad ng VIP service sa NAIA.
Ayon sa MIAA, wala silang ginawang pag-bypass sa airport procedures sa pagpapatupad ng VIP service na may service fee na 800 pesos.
Iginiit din ng MIAA na sa pagpapatupad ng VIP service, partikular ang meet-and-assist service (MAAS), mahigpit anila silang tumatalima sa customs, immigration, quarantine and security (CIQS) protocols.
Una nang nagpalabas ang NNIC ng bagong protocol para sa accommodations sa very important persons (VIPs), important persons (IPs) at sa mga pasaherong nagre-request ng VIP treatment sa NAIA.
Layon daw nito na matiyak na magagamit sa tama ang serbisyo at matitiyak ang seguridad sa paliparan.
Alinsunod din anila ito sa standards na itinakda ng International Civil Aviation Organization (ICAO).