
Tiniyak ng Manila International Airport Authority (MIAA) na mahigpit ang pagbabantay ngayon ng Bureau of Quarantine (BOQ) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa harap ito ng banta ngayon ng Nipah virus.
Ayon sa MIAA, nananatili ang ipinatutupad na protocol ng BOQ sa paggamit ng thermal scanners at pagpapasagot ng health declaration forms sa mga pasahero sa pamamagitan ng e-Travel.
Ang Nipah virus ay isang bihirang zoonotic disease na nagmumula sa mga hayop, partikular sa mga paniki, at maaari ring maipasa sa mga hayop tulad ng baboy at kabayo.
Unang naitala ang virus sa Malaysia noong 1998 at kalaunan ay nakarating sa Singapore noong 1999, kung saan agad itong napigilan.
Sa kasalukuyan, may mga seasonal outbreak na naitatala sa Bangladesh at India, kabilang ang limang kumpirmadong kaso sa West Bengal.
Una nang inihayag ng Department of Health (DOH) na nakahanda ito sa pagtugon sa Nipah virus at iba pang nakahahawang sakit.
Iginiit din ng DOH na hindi na ito bagong banta sa Pilipinas, matapos maitala ang 17 kaso nito sa Sultan Kudarat noong 2014.
Nagpaalala rin ang DOH sa publiko na umiwas sa mga paniki at hayop na may sakit, tiyaking aprubado ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang karne na kanilang kinakain, at laging lutuin nang maigi ang pagkain upang makaiwas sa sakit.










