Walang natatanggap na formal notice ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) hinggil sa di umano’y babala ng pamahalaan ng Estados Unidos na mahina ang seguridad sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Ayon kay Cony Bungag tagapagsalita ng MIAA, inaalam pa nila kung totoo ang report dahil wala pa silang nakukuhang final assessment report ng US government.
Sinabi din ni MIAA General Manager Ed Monreal na wala pa silang natatanggap na official communication hinggil dito.
Matatandaang kumalat sa social media ang isang report ng travel advisory sa paliparan sa Amerika na inaabisuhan ang mga pasaherong patungo ng Pilipinas dahil nalaman umano ng kalihim ng homeland security na walang epektibong aviation security measures sa NAIA.
Pero giit ni Monreal tumatalima ang MIAA sa payo ng mga dayuhang nag-assess sa seguridad ng paliparan.
Aminado naman si Monreal na kailangan pang pagbutihin ang airport equipment ng aviation security sa NAIA.
Kasunod nito tuloy-tuloy pa rin ang procurement ng x-ray machines para sa seguridad ng paliparan.