Lumabas sa pagdinig ng House Committee on Transportation na walang kopya ng as-built plan ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA-Terminal 3 ang Manila International Airport Authority o MIAA.
Ang as-built plan ay nagpapakita ng pagkakaiba ng nasa plano at aktwal na nagawa na kailangan sa ikakasang full electrical audit sa NAIA upang mapigilan na mangyari uli ang power outage noong January 1 at May 1.
Sinabi naman ni MIAA Senior Assistant General Manager Bryan Co, mayroong mga hakbang na ginawa para makuha ang as-built plan sa Takenaka, ang contractor na kinomisyon ng Philippine International Air Terminals Co. (PIATCO) sa pagtatayo ng NAIA 3 noong 1998.
Pero ayon kay Co, base sa report ng kanilang engineering team ay tanging general plans lang ang kanilang nakuha at hindi ang detalyadong plano at wala din silang CAD files.
Ikinadismaya ito nina Committee Chairman Antipolo Representative Romeo Acop, SAGIP Party-list Representative Rodante Marcoleta at Bulacan Representative Salvador Pleyto sa dahilang hindi makakapagsagawa ang MIAA ng maayos na maintenance sa NAIA kung walang as-built plan.
Binanggit naman ni Transportation Undersecretary Roberto Lim na humingi na ang ahensya ng tulong sa Japanese Embassy para makahanap ng kakasusapin sa Takenaka para makuha ang naturang plano.