Nasayang ang pinakawalang 50 points ni Stephen Curry dahil talo pa rin ang Golden State Warriors sa Los Angeles Clippers, 134-126.
Ito na ang ika-12 beses na umabot sa 50 points ang nagawa ni Curry sa kanyang career.
Gayunman, maging ang kanyang walong 3-pointers ay hindi rin umubra nang magsama ng puwersa sina Kawhi Leonard na may 30 points at si Paul George na nagpakita naman ng 24 na puntos.
Umakyat na ang Clippers (37-33) sa ika-limang puwesto sa Western Conference matapos ang four straight wins habang ang defending champion ay nasa ika-walong puwesto para sa 35-34 record.
Sa ibang game, pinahiya ng Miami Heat ang isa sa top team sa Western na Memphis Grizzlies matapos na tambakan sa score na 138-119.
Nagtulong-tulong sina All-Star Bam Adebayo na nagpakawala ng 26 points, Tyler Herro na may 24 at Jimmy Butler na nagtapos sa 23 points para iposte ang kanilang ika-38 panalo para sa 7th place sa Eastern Conference.
Sinamantala ng Miami ang hindi pa rin paglalaro ng suspindidong Grizzlies (41-27) superstar na si Ja Morant.
Samantala, nasilat ng kulelat na Houston Rockets ang Los Angeles Lakers, 114-110.
Habang pinatibay pa ng Boston Celtics ang No. 2 standing nila sa Eastern matapos idispatsa ang Timberwolves, 104-102.
Narito pa ang ibang game results:
76ers vs Cavs, 118-109
Kings vs Bulls, 117-114
Mavs vs Spurs, 137-128