Dinepensahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dati niyang economic adviser na si Michael Yang at ang Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Sa Talk of the Nation na inere kaninang umaga, muling binatikos ni Pangulong Duterte ang pagdinig ng Senado kaugnay sa umanoy overprice na medical supplies.
Ayon kay Duterte, handa siyang magresign kung mapapatunayang may korapsyon sa pagbili ng pamahalaan ng mga face mask at face shield sa Pharmally Pharmaceutical.
Depensa ng Pangulo, hindi niya maintindihan kung bakit patuloy na sinisilip ng Senado ang technical at financial requirements ng Pharmally na isang kilalang kompanya sa Singapore.
Natural din aniya para sa dating adviser na si Michael Yang bilang isang businessman na makisali sa mga bidding.
Kasabay nito, tinawag ng pangulo ang Kongreso na “Maldito” dahil sa isinasagawang imbestigasyon sa COVID-19 funds ng Department of Health at umano’y overprice na mga medical goods.