Michael Yang, nangakong dadalo na sa susunod na pagdinig ng Senado

Humingi ng paumanhin si dating Presidential Economic Adviser at businessman na si Michael Yang at nangakong makikipagtulungan at haharap na sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Nakasaad ito sa liham na isinumite kay Committee Chairman Senator Richard Gordon ng kanyang abogado na si Atty. Raymond Fortun.

Base sa liham, sa mga balita lang sa pahayagan nalaman ni Yang na may ipinadalang subpoena sa kanya ang Senado para paharapin siya sa pagdinig.


Bagama’t hindi raw natanggap ni Yang ang naturang subpoena ay nangako itong makikipagtulugnan sa Senate hearing kaugnay sa pagbili ng umano’y overpriced na face mask, Personal Protective Equipment (PPE) at iba pang medical supplies ng Procurement Service of the Department of Budget ang Management (DBM).

Sa liham ay nakasaad din ang address ni Yang kung saan maaaring isilbi ng Senado ang panibagong subpoena para sa pagharap niya sa hearing.

Si Yang ang hinihinalang naging tulay ng koneksyon ng PS-DBM sa Pharmally Pharmaceutical Corporations kung saan binili ang umano’y overpriced na medical supplies.

Mayroon pang lumabas na video kung saan makikitang kasama ni Yang ang mga opisyal ng Pharmally ng bumisita sila kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City noong 2017.

Facebook Comments