Mid-year bonus ng mga kawani ng pamahalaan, hiniling na ibigay na ng gobyerno

Kinalampag muli ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor ang pamahalaan na ibigay na sa lalong madaling panahon ang mid-year bonus ng kanilang mga kawani.

Giit ni Defensor, ibigay na ang mid-year bonus ng 1.6 million na empleyado ng gobyerno dahil inanunsyo naman ng Department of Budget and Management (DBM) na available na ang pondo para sa bonus.

Hiniling ng mambabatas na utusan na ni Pangulong Duterte ang mga ahensya na i-release ang incentive ngayong weekend.


Aniya, kung may panawagan ang gobyerno sa private employers na maagang ibigay ang 13th-month pay ng kanilang mga empleyado, dapat ganito rin ang gawin sa public sector.

Sinabi pa ng kongresista na mas ma-e-engganyo ang private employers na sundin ang apela ng Presidente kung maibibigay rin ng maaga ang mid-year bonus ng mga taga-gobyerno na katumbas ng isang buwang sahod.

Base sa National Budget Circular No. 579, ang mid-year incentive ay ibinibigay ng hindi mas maaga sa May 15 kada taon pero maaaring iutos ng Presidente na maibigay na ito sa susunod na linggo o mas maaga lang ng isang buwan.

Facebook Comments