Hinihimok ni Deputy Speaker Bernadette Herrera ang Professional Regulation Commission (PRC) at ang iba’t ibang professional regulatory boards ng health professions na makiisa sa Philippine Medical Association (PMA) at Philippine Nurses Association (PNA) para sa gagawing COVID-19 vaccination sa buong bansa.
Pabor ang lady solon sa ideya ng Department of Health (DOH) na isama ang mga lisensyadong komadrona o midwife at pharmacist sa mga propesyunal na magbibigay ng bakuna sa mga mamamayan.
Aniya, dapat ngayon pa lamang ay sanayin na ang mga ito na sumuri ng mga pasyente, magturok ng bakuna at magsagawa ng nararapat na protocols sakaling may adverse reactions para mabilis na makamit ng bansa ang herd immunity sa COVID-19.
Tinukoy ni Herrera na bilang primary health care professionals, kasama ang vaccination sa mga tungkulin ng midwives, pharmacists, at iba pang trained, certified, at lisensyado tulad nila.
Katunayan aniya, kasama ito sa mga kurikulum na inaprubahan ng Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at standards ng DOH at PRC boards para sa primary health care service professionals.