Midyear report, inilabas ng Palasyo

Inilabas ng Palasyo ang midyear report ng Duterte Administration.

Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na tampok sa midyear report na ito ang mga nagawa ng gobyerno sa gitna ng patuloy na banta ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Roque, ang pagbabakuna na sinimulan nitong nagdaang Marso ang may pinakamalaking papel sa mga estratehiyang ipinatutupad ng pamahalaan para labanan ang pandemya.


Dahil patuloy ang pagdating ng suplay ng bakuna, sinabi ni Roque na maraming mga Pilipino na rin ang nababakunahan na nagbigay-daan para dahan dahan at unti-unting luwagan ng pamahalaan ang ilang restrictions upang mabuksan ang maraming negosyo at industriya.

Sinabi pa ni Roque, ang dahan-dahang pagluluwag ng Inter-Agency Task Force (IATF) protocols ay nagbigay ng pagkakataon sa milyon-milyong mga manggagawa para makabalik sa kanilang trabaho.

Kaya naman kumpiyansa ang economic managers ng pamahalaan na sa pagpapatuloy ng bakunahan sa bansa kasabay ng mga hakbang para makabangon ang bansa, inaasahang makapagrerehistro ng 6 hanggang 7 porsyento na paglago ang ekonomiya ngayong taon at hanggang 7 hanggang 9 porsyento sa susunod na taon.

Asahan din ayon sa kalihim ang magandang Pasko ngayong taon dahil sa patuloy na nagsisikap ang pamahalaan upang makamit ang population proteksyon o pagbabakuna sa 70% ng kabuuang proteksyon bago matapos ang 2021.

Facebook Comments