Migrante International, nanawagan ng malinis na imbestigasyon sa DOLE kaugnay sa mga iregularidad sa POEA

Manila, Philippines – Nanawagan ng malinis na imbestigasyon ang grupong Migrante International sa Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay sa mga umano’y iregularidad sa Philippine Overseas and Employment Administration (POEA).

Ayon kay Migrante spokesperson Arman Hernando – dapat matukoy ng DOLE ang mga kawani ng POEA na posibleng nakikipagsabwatan sa mga illegal recruiters.

Dagdag pa ni Hernando – pangalanan ang mga sangkot na indibidwal at kumpanya para mabayaran ang kanilang mga nabibiktima.


Panahon na aniya para linisin ang POEA para maiwasan na ang mga iligal na aktibidad sa loob nito.
Nabatid na sususpendihin ng DOLE ang pagtatanggap at pagproseso ng mga aplikasyon ng Overseas Employment Certificates (OEC) habang nagsasagawa sila ng imbestigasyon.

Ang OEC ay dokumento na ini-isyu ng POEA para sa nais magtrabaho abroad.

Tatagal ang suspensyon na nagsimula kahapon (November 13) hanggang Disyembre a-uno.

Tinatayang 75,000 POEA applicants ang apektado ng suspensyon.

Facebook Comments