
Kinuwestyon ng Malacañang ang kredibilidad ni dating Congressman Mike Defensor matapos nitong ihayag na may “batch 2” umano ng mga dating sundalo na handang tumestigo tungkol sa sinasabing bilyong pisong bribery.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kilala si Defensor sa mga talumpating nanghihikayat na patalsikin sa puwesto ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaya malinaw ang motibo nito.
Tinawag din ni Castro si Defensor na “wonder boy” at inihalintulad kay Ador Mawanay, na naging testigo noong 2001 laban kay Ping Lacson ngunit kalaunan ay binawi ang kanyang mga paratang.
Naging kontrobersyal aniya ang pangalan ni Mawanay dahil sa alegasyong napilit umano itong gumawa ng pekeng salaysay.
Ibinunyag din ni Castro na may impormasyon silang isang “operator” mula sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na umano’y kumikilos upang guluhin ang isyu.
Kapag nasasangkot aniya ang naturang indibidwal sa isang usapin, may kahina-hinala umano rito.
Sa kabila nito, iginiit ng Palasyo na mas ikinababahala nila ang umano’y pagpapakalat ng kasinungalingan laban sa pangulo.










