“Hindi ba, mayroong turo sa atin na huwag tayong magbunyi sa kamalasan o sa kasamaang-palad ng iba?”
Ito ang naging sagot ng GMA-7 broadcast journalist na si Mike Enriquez nang tanungin sa problemang kinahaharap ng ABS-CBN kaugnay ng franchise renewal.
Kamakailan lang napabalitang hindi inupuan ng Kongreso ang panukalang batas na naglalayong i-renew ang franchise ng Kapamilya Network na mag-eexpire na sa March 2020.
Kakailanganin ng network na mag-refile sa next session ng 18th Congress na magbubukas sa July 22.
“Ah, no comment! Hindi naman kami ang nagbibigay ng franchise, Kongreso!” ang unang sagot ni Mike nang tanungin sa nakaraang mediacon sa News TV.
Saka ipinasa ni Mike ang tanong sa nes reporter ng GMA sa Congress at sinabing, “Nasaan si Divine? Ito ‘yung reporter namin sa Congress, si Divine. Divine, ano ba nangyari? Inupuan yung franchise? Naka-operate tayo, e. Serious, update mo nga kami.”
“Kailangan pong i-refile kasi nagsara na po yung 17th Congress. So ire-refile siya sa 18th po,” sagot ni Divine.
Hindi napigilan ng Kapuso reporter na maglabas na ng reaksyon at sinabing, “‘Yung Congress, hindi inaksiyunan yung franchise. That means kailangan i-refile ‘yun. ‘Yun ang sistema. Pero hindi ba, meron turo sa atin na huwag tayong magbunyi sa kamalasan o sa kasamaang-palad ng iba?”