Militar at NPA, Nagkabakbakan sa Cauayan City, Isabela!

*Cauayan City, Isabela- *Mas lalo pang paiigtingin ngayon ng tropa ng 86th Infantry Battalion, 5th ID, PA ang seguridad sa kanilang mga nasasakupang lugar lalo na sa mga liblib na barangay kasunod ng naganap na sagupaan sa mga New People’s Army (NPA) bandang alas onse ng umaga kahapon sa Brgy. Villaflor, Cauayan City, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Lt Col. Remegio Dulatre, Commanding Officer ng 86 th IB, Nag-ugat ang sagupaan matapos makatanggap ng report ang kanyang tropa hinggil sa isinasagawang aktibidades ng mga NPA sa naturang lugar.

Tumagal anya ng tatlumpung minuto ang bakbakan ng militar sa nasa labinglimang miyembro ng NPA na kalauna’y umatras at tumakas patungong bayan ng San Mariano, Isabela.


Wala namang naitalang casualty o sugatan sa panig ng militar habang inaalam pa sa panig ng NPA na kung saan mayroon umanong mga sugatan batay na rin sa mga nakitang naiwang bakas ng dugo.

Maari umanong pinili ng mga nakasagupang NPA ang mga lugar na walang gaanong presensya ng militar kaya’t madaling nakapasok ang mga ito.

Tiniyak naman ni Lt Col. Dulatre na hindi na nila papayagan pang makagawa ng karahasan ang mga NPA sa kanilang nasasakupan.

Facebook Comments