Militar at Rebeldeng NPA, Muling Nagkasagupa sa Cagayan; 2 Patay sa Engkwentro naman sa Mt. Province

Cauayan City, Isabela- Muling nagkasagupa ang militar at New People’s Army (NPA) sa bayan ng Sta. Teresita, Cagayan.

Ayon kay Army Major Jekyll Dulawan, Chief DPAO ng 5th Infantry Division Philippine Army, nangyari ang engkwentro sa bulubunduking bahagi ng Sta. Teresita kung saan tinutugis ng mga awtoridad ang iba pang miyembro ng rebeldeng grupo na unang nakasagupa noong Setyembre 21, 2021.

Tumagal ng 15 minuto ang nangyaring sagupaan kung saan narekober ang mga matataas na kalibre ng baril tulad ng dalawang (2) M-16 rifles, isang (1) M79 rifle, mga bomba at isang bandila ng mga rebelde.


Matatandaan na nakubkob ng militar ang kuta ng mga NPA, partikular na ang Henry Abraham Command-East Front Committee sa Barangay Dungeg na nagresulta sa pagkamatay ng limang miyembro kabilang na ang kanilang matataas na opisyal.

Ayon pa kay Army Major Dulawan, may kalayuan na ang nangyaring engkwentro kung saan naglunsad ng airstrike ang militar nitong nakalipas na linggo sa Barangay Dungeg.

Samantala, sumiklab din ang engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga rebelde sa Barangay Mainit, Bontoc, Mt. Province kung saan nakumpirma ang dalawang nasawi sa hanay ng rebelde na miyembro ng Komiteng Larangang Guerilla-Abra Mt. Province Ilocos Sur (KLG AMPIS).

Maswerte namang walang naitalang sugatan sa panig ng militar.

Narekober rin ang mga matataas na kalibre ng baril tulad ng tatlong(3) AK79, isang (1) M-14, siyam na (9) anti-personnel mines, apat (4) na granada, mga magazine, bala, mga gamot at iba pang personal na gamit.

Patuloy naman ang pagbabantay ng mga militar sa masisigurong ligtas ang mga residente malapit sa lugar ng bakbakan.

Facebook Comments