Militar: Chinese vessels, kapansin-pansin ang pagdami sa Iroquois Reef at Sabina Shoal

Namataan sa isinagawang air patrol ng Philippine Navy ang aabot sa 48 Chinese fishing vessels sa Iroquois Reef.

Ang Iroquois Reef ay matatagpuan sa timog ng Recto Bank na mayaman sa langis at gas sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Sa ulat ng AFP Western Command (WESCOM), nagsimula lamang sa 12 Chinese fishing vessels ang namataan noong Pebrero hanggang sa umabot na ito sa higit 40 nitong Hunyo 12.


Ang Chinese fishing vessels ay naka-angkla sa grupo ng lima hanggang pito ngunit wala namang fishing activities.

Maliban dito, kapansin-pansin din ang pagtaas ng presensya ng Chinese maritime assets sa Sabina Shoal.

Kabilang sa namataan ang tatlong China Coast Guard ships at dalawang People’s Liberation Army Navy vessels.

Isusumite ng militar ang mga nakalap na impormasyon sa gobyerno upang makagawa ng kaukulang aksyon lalo na ang posibleng paghahain ng diplomatic protest.

Facebook Comments