Manila, Philippines – Binigyang diin ng Armed Forces of the Philippines na kalian man ay hindi nila hinangad na makuha ang anomang pabuya na nakapatong sa ulo ng mga high value targets na kanilang tinutugis.
Ito ang sinabi ng AFP sa harap na rin ng 5 milyong dolyar na nakapatong sa ulo ng napatay na si Isnilon Hapilon na lider ng Abu-Sayyaf at Emir ng ISIS sa Southeast Asia at 5 milyong piso naman ang nakapatong sa ulo ni Omar Maute.
Ito din ang sagot ng AFP sa paniniwala ng ilan na sa mga sundalo mapupunta ang mga pabuyang nakapatong sa mga napapatay o nahuhuling wanted personalities.
Ayon kay AFP Spokesman Major General Restituto Padilla, ang focus ng militar ay maubos ang mga terorista at mabawi ang Marawi City at hindi iniisip ng mga ito ang pabuya na maaari nilang makuha.
Nilinaw din naman ni Padilla na kung mayroon mang naipangako si Pangulong Dutert sa mga tropa na nasa Marawi City ay motivation lamang ito para ipagpatuloy ang pagsabak sa giyera.
Sinabi din naman ni Padilla na nakasalalay sa desisyon ng joint AFP-PNP rewards and valuation committee ang pagkakaloob ng pabuya sa mga tipster o impormante.