Humingi ng pang-unawa ang tropa ng militar kasunod ng nangyaring palitan ng putok sa pagitan ng mga sundalo at New People’s Army (NPA) sa Brgy. Cawayan, Masbate noong Lunes, March 20, 2023.
Ayon kay Southern Luzon Command Public Information Office Chief LtC. Dennis Caña, rumesponde lamang ang tropa makaraang makatanggap ng ulat na mayroong presensya ng rebeldeng grupo malapit sa Locso-an Elementary School sa Barangay Locso-an, Placer, Masbate.
Aniya habang papalapit ang tropa, nagpaputok ang mga rebelde dahilan para gumanti rin sila ng putok.
Paliwanag ni LtC. Caña, hindi sila masyadong makapagpaputok dahil baka may madamay na mga estudyante kung kaya’t dalawa sa mga sundalo ang nasugatan.
Sinabi pa nito na stable naman ang lagay ng dalawang sundalo at agad na dinala sa ospital.
Ang nasabi kasing sagupaan sa pagitan ng militar at NPA ay nagdulot ng takot at trauma sa mga guro at estudyante ng naturang paaralan.
Kahapon ay matatandaang naglabas din ng emergency memorandum order ang alkalde ng Cataingan, Masbate na nagsususpinde sa pasok ng mga paaralan sa nasabing bayan kasunod ng nangyaring bakbakan.