Hindi pinansin ng militar ang alegasyon ng National Democratic Front (NDF) na tinambangan habang papunta sa pagamutan at hindi namatay sa engkwentro ang CPP-NPA leader na si Jorge Madlos alyas Ka Oris.
Ayon kay Philippine Army 4th Infantry Division Commander Maj. Gen. Romeo Brawner, hindi totoo ang sinasabi ng NDF at lehitimo ang engkwentrong nangyari sa Bukidnon nitong Sabado kung saan namatay si Ka Oris.
Nilinaw ng opisyal na hindi gawain ng mga sundalo ang manambang ng mga hindi armadong kalaban.
Bwelta ng opisyal, ang pananambang sa mga sibilyan ay gawain ng NPA katulad ng ginawa nilang pagpapasabog ng landmine at pag-baril sa magpinsang Absalon sa Masbate.
Giit ni Brawner, hindi tulad ng NPA, nirerespeto ng Armed Forces of the Philippines ang International Humanitarian Law.
Dagdag pa ng opisyal na inaasahan na nila na babaligtarin ng mga komunista ang pangyayari.