Sinisilip na ng Militar kung ang mga mapaminsalang pagsabog sa Jolo, Sulu ay paghihiganti ng Abu Sayaff Group (ASG) sa pagkaka-aresto sa kanilang leader na si Anduljihad “Idang” Susukan.
Nabatid noong August 13, isinilbi ng Davao City Police ang arrest warrants para sa kasong murder, lima para sa kidnapping at serious illegal detention at anim para sa frustrated murder laban kay Susukan sa bahay ni Moro National Liberation Front (MNLF) founding Chairperson Nur Misuari.
Ayon kay 11th Infantry Division Spokesperson Lieutenant Colonel Ronald Mateo, naniniwala sila na ang ASG ang nasa likod ng pag-atake.
Hindi pa malinaw sa ngayon kung retaliatory attacks ito.
Para kay Major General Corleto Vinluan, commander ng Western Mindanao Command, ang Abu Sayyaf sub-Commander at bomb expert na si Mundi Sawadjaan ang nasa likod ng dalawang magkasunod na pagsabog.
Kamag-anak ito ni Hatib Hadjan Sawadjaan, ang kinikilalang emir ng ISIS sa bansa.
Sinabi naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Major General Edgard Arevalo, naka-high alert ang 11th ID at Joint Task Force Sulu kasunod ng mga pagsabog.
Umapela si Arevalo sa publiko na manatiling kalmado pero manatili ring mapagmatyag sa anumang bagay o sinumang indibidwal na kahina-hinala sa kanilang lugar.
Ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Francisco Gamboa ang Police Regional Office sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na magsagawa ng imbestigasyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP si Susukan habang may nakabinbing court order kung saan siya ikukulong.