Cauayan City, Isabela- Itinanggi ng pamunuan ng 95th Infantry ‘Salaknib’ Battalion na may kinalaman sila sa kaliwa’t kanang pagpapaskil sa mga punong-kahoy kaugnay sa panawagan na pagtatakwil sa grupo ng New People’s Army (NPA) at mga front organization.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Army Capt. Janrey Remedios, Civil Military Officer, paraan lamang umano ito na gustong wakasan ng mga tao ang ginagawa umanong pangingikil at pagsasamantala ng mga rebeldeng grupo para mapaanib sa kanilang grupo.
Aniya, hindi ganito ang paraan na kanilang gagawin para ipanawagan ang pagkondena sa mga maling gawain ng mga NPA dahil kailangan pa rin pangalagaan ang kalikasan at hindi gawin ang pagpapako ng mga ‘poster’ sa mga punong-kahoy.
Kaugnay nito, nagpapasalamat naman ang kasundaluhan sa suporta ng mga local chief executives upang masolusyunan ang ilang problemang kinakaharapa ng mga mamamayan.
Makikipag-ugnayan naman ang kasundaluhan sa CENRO na nakakasakop sa lugar kung saan nakapaskil ang mga poster at masigurong mapapangalagaan ang Inang kalikasan.
Samantala, hindi na umano bago para sa Danggayan dagiti Mannalon iti Isabela (DAGAMI) na si Cita Managuelod, isa sa mga itinuturing na recruiter ng NPA ang pagkalat ng kanyang larawan at pag-aakusa sa kanya ng mga kasundaluhan.
Ayon sa kanya, nababahala nga ang militar sa posibleng kahinatnan ng mga puno pero paano naman umano ang mga ginagawang red-tagging ng kasundaluhan sa tulad niya, dahil para sa kanya ito ay labag sa karapatang pantao.
Matagal na rin umano nitong inireklamo sa Commission on Human Rights (CHR) ang ginagawang pagsasapuubliko sa mga pangalan at larawan ng ilang indibidwal na inaakusahang miyembro ng NPA na wala namang sapat na basehan at hindi rin umano dumaan sa tamang proseso ang akusasyon ng mga militar.
Kaugnay nito, wala umanong balak na linisin ni Managuelod ang kanyang pangalan sa militar matapos akusahan na siya di umano ang nanghihikayat na umanib ang ilang mamamayan sa NPA.
Inakusahan naman din nito ang mga kasundaluhan na umano’y nagtatanim ng ebidensya sa mga mahuhuling NPA gayundin ang mga sumusukong dating rebelde na sinasabing ginagamit naman ito ng militar para utusan na idiin ang mga ito laban sa kanya.