MILITAR, MULING NAKAREKOBER NG MGA GAMIT PANDIGMA NG NPA

Cauayan City, Isabela- Narekober ng tropa ng 77th Infantry Battalion ang ilang mga gamit pandigma ng mga makakaliwang grupo matapos ang nangyaring engkwento sa Barangay Sta. Margarita, Baggao, Cagayan ngayong araw, Pebrero 28, 2022.

Sa nagyaring labanan, tumagal ng 20 na minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng militar at NPA hanggang sa umatras patungong Timog na direksyon ang hindi pa matukoy na bilang ng mga makakaliwang grupo.

Habang nagsasagawa ng hot pursuit at Clearing operation ang kasundaluhan, narekober sa nasabing lugar ang isang (1) M16 rifle, dalawang (2) Cal .45 na baril , dalawang (2) magazines ng Cal .45 ng baril na may kasamang bala, apat (4) na mahaba at dalawang (2) maliit na magazines ng M16, 52 rolyo ng bala para sa M16, isang (1) MK2 granada, tatlong (3) handheld radios, bandila ng Anakpawis, mga medikal na kagamitan, pang personal na mga gamit, at mga subersibong dokumento.

Inihayag ni LtC Joeboy Kindipan, Battalion Commander ng 77IB, habang nagsasagawa ng Focused Military Operation ang kanyang tropa sa naturang lugar ay bigla na lamang silang pinaputukan ng mga teroristang grupo.

Ang mga nakalaban ng tropa ay mga dating nakaengkwentro sa bayan ng Gonzaga, Cagayan na mga miyembro ng East Front Committee, Komiteng Probinsya Cagayan, at Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley sa ilalim ng pamumuno ni alias “Bon”.

Ayon naman kay BGen Steve D Crespillo, Brigade Commander ng 501st Infantry Brigade, ang pagkakadiskubre sa mga armas ng mga makakaliwang grupo ay lalong magpapahina sa grupo ng mga rebelde at nagpapatunay lamang aniya na ang nadiskubreng bandila ng Anakpawis ay may kaugnayan o di kaya’y sumusuporta sa teroristang grupo.

Pinuri din ni MGen Laurene E Mina, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army, ang tagumpay ng tropa sa ipinakitang katapangan sa pag proprotekta sa mga mamamayan laban sa banta ng mga makakaliwang grupo.

Samantala, ang mga narekober na gamit ng mga NPA ay nasa pangangalaga na ng 77IB Headquarters para sa tamang disposisyon.

Facebook Comments