Militar, nilinaw na mga kasamahan nila at hindi mga pulis ang mga lalaking unang rumesponde sa crime scene kung saan napatay ang 4 na mga sundalo sa Jolo, Sulu

Nilinaw ni Philippine Army Spokesperson Col. Ramon Zagala na hindi mga pulis kundi mga sundalo ang mga lalaking unang rumesponde sa crime scene ng shooting incident sa Jolo, Sulu na ikinamatay ng apat (4) na army.

Ang paglilinaw ay ginawa ni Zagala matapos kumalat ang CCTV footage sa social media, na makikita na pinakikialaman ng mga lalaking nakasibilyan ang loob ng sasakyan ng mga nasawing sundalo at hinawakan pa isa sa mga bangkay.

Hinala ng mga netizens pulis ang mga ito.


Ayon kay Zagala, maging sila ay inakalang mga pulis ang nasa CCTV footage, pero kaninang umaga ay natukoy na mga sundalo rin pala ang mga ito.

Aniya, rumesponde ang mga sundalo sa lugar matapos makatanggap ng impormasyon na may nangyaring shooting incident ngunit wala silang naabutang mga pulis.

Unang inakala ng mga sundalo na mga Abu Sayyaf ang mga napatay, kaya’t binuksan nila ang loob ng sasakyan para matukoy kung may buhay pa sa mga ito.

Napag-alaman din ng militar na ang lalaking makikitang humahawak sa isang bangkay ay kapatid ni Corporal Abdal Asula, isa sa mga nasawi.

Nilagyan nito ng damit ang ulo ng kapatid nang makitang nakahandusay.

Aminado naman si Zagala na may lapses ang mga sundalo sa kanilang ginawa, pero kailangan nila itong gawin dahil huli na nang dumating sa crime scene ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) Scene of the Crime Operatives (SOCO).

Facebook Comments