*Cauayan City, Isabela- *Muling nanawagan si Lt. Col Remegio Dulatre, Commanding Officer ng 86th Infantry Battalion, 5th ID, PA sa mga miyembro ng New people’s Army (NPA) na sumuko na sa gobyerno.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Lt. Col. Dulatre, mas mainam na sumuko na lamang sa pamahalaan at magbagong-buhay dahil mayroon naman anya ang mga inilaang programa para sa mga kusang magbabalik loob.
Ito ay may kaugnayan sa muli nanamang pagsiklab ng engkwentro sa pagitan ng militar at New People’s Army (NPA) noong Pebrero 23, 2019 ng madaling araw sa Brgy. Bantug, Angadanan, Isabela sanhi ng ginagawang pangingikil at paghingi ng bigas ng mga NPA sa mga kabahayan sa nasabing lugar.
Wala namang naitala na nasugatan o nasawi sa panig ng 502nd Infantry Brigade kasama ang 86th IB at ng 205th Mobile Force Company ng Regional Mobile Group ng PNP na rumesponde at naka-engkwentro ng mga rebelde.
Pinaalalahanan naman ni Lt. Col Dulatre ang mga residente na huwag magpalinlang sa mga sinasabi ng NPA dahil wala rin anyang patutunguhan ang mga ideolohiyang ipinaglalaban ng kabilang grupo.
Patuloy rin ang kanyang paghikayat sa mga mamamayan na makipagtulungan sa mga alagad ng batas na magsumbong lamang sa kanilang himpilan kung mayroong mga isinasagawang aktibidad ang mga rebeldeng grupo.
Samantala, patuloy pa rin ang kanilang isinasagawang medical at dental mission sa mga barangay bilang bahagi ng kanilang Community Support program na tulong sa mga mamamayan.