Militar, target ng pag-atake ng BIFF sa Datu Piang, Maguindanao ayon sa AFP

Nilinaw ng Western Mindanao Command na ang mga tropa ng Charlie Company ng 6th Infantry Battalion ang totoong target ng mga Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) members na umatake Datu Piang, Maguindanao kagabi.

Ayon kay Lt. Col. Alaric Delos Santos, taga-pagsalita ng Western Mindanao Command, tinangka ng tinatayang 50 miyembro ng BIFF na pasukin ang kampo ng militar sa lugar bandang alas-10:22 kagabi.

Nabigo ang BIFF nang gumanti ng putok ang mga sundalo at nagkaroon ng 15 minutong palitan ng putok bago umatras ang mga kalaban.


Sinabi pa ni Delos Santos, habang tumatakas, nadaanan ng mga BIFF ang naka-paradang sasakyan ng Philippine National Police (PNP) at dito ibinuhos ang kanilang galit at sinunog ito.

Nilinaw rin ni Delos Santos na hindi na-over-run ng BIFF ang istasyon ng pulis na unang iniulat ng militar kagabi, sa halip nadaanan lang ito ng mga tumatakas na BIFF habang tinutugis sila ng mga tropa ng militar.

Walang casualty sa panig ng AFP at PNP sa pag-atake, at ngayon ay kontrolado ng tropa ng gobyerno ang sitwasyon sa lugar.

Facebook Comments