Nakakaalarma para kay Defense Secretary Delfin Lorenzana ang hakbang ng China na magkasa ng military exercises sa West Philippine Sea.
Ito ang pahayag ng kalihim matapos maiulat na ang China ay naglunsad kamakailan ng naval drills sa Paracels Island na inaangkin din ng Vietnam.
Ayon kay Lorenzana, nakakabahala ang ginagawa ng China lalo na sa mga bansang may inaangkin ding bahagi ng teritoryo sa nasabing karagatan.
Binanggit ni Lorenzana na nakakapagsagawa pa noon ang Pilipinas ng military exercises kasama ang mga sundalong Amerikano sa pinagtatalunang teritoryo.
Pero punto niya, walang problema kung isagawa ng China ang kanilang military drills sa loob ng kanilang exclusive economic zone, pero maituturing na “highly provocative” kung gagawin na ito sa contested area.
Inihayag din ni Lorenzana ang kanyang pagtutol sa plano ng China na magtayo ng Air Defense Identification Zone (ADIZ) sa lugar.
Ibinunyag din niya na nagkaroon ng bahagyang pagtaas ng insidente ng harassment at incursions ng Chinese vessels sa mga barko ng Pilipinas, kabilang na rito ang pagtutok ng control radar ng isang Chinese corvette sa isang barko ng Philippine Navy sa Rizal Reef na bahagi ng teritoryo ng bansa nitong Pebrero.