Itinuturing na isang makapangyarihang armas ang military-grade laser na itinutok ng Chinese Coast Guard sa barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea kamakailan.
Ayon kay Prof. Chester Cabalza, founding president ng International Development and Security Cooperation, ang military-grade laser ay isang electromagnetic warfare na maaaring gamitin sa pag-monitor at pagkuha ng impormasyon.
Kabilang din ito sa tinatawag na radiological, nuclear and high yield explosives na pwedeng makapanakit ng tao.
Inaasahang sa hinaharap ay magagamit din ito sa pagsasagawa ng pag-atake at pagpapasabog.
“Bagong weaponry ito, although nasa […] stage pa itong mga electronic devices na ito, but, kung susuriin natin, very sophisticated yung technology kasi habang nakatutok sayo yung laser, nagta-transmit din yung information. Pwede itong makakuha ng impormasyon tungkol doon sa tinutukan mo. So, ganon ka-powerful yang laser na yan,” ani Cabalza sa interview ng RMN Manila.
“In the future, or in the coming years to come, kasi pine-perfect nila itong technology na ito, pwede nilang gamitin din ito sa mga drones. Maglagay sila ng mga laser doon and it could even attack, pwede kang magpasabog doon,” dagdag niya.
Kaugnay nito, iginiit ni Cabalza na dapat gawing sopistikado at makabago ang teknolohiya ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
“Tama yung diplomacy yung pinairal, pinatawag po. Tapos may diplomatic protest ka. Well, of course, kinakailangan mong gawing sophisticated din yung technology ng ating armed forces, palakasin yung research and development and at the same time, we must approve for the joint patrol,” mungkahi ni Cabalza.
“Now pinapalakas natin yung alliance natin kasi magkakaroon ng biggest Balikatan Exercises by April. And most likely, itong electronic warfare, baka ika-counter ng Philippines at US ito kasi syempre yung technology rin, meron din yung US na ganyan,” saad pa niya.