Military nurse, patay sa saksak matapos manlaban nang pagnakawan ng cellphone

4222
(Photo from Makati police)

Nasawi ang isang 31-anyos na military nurse matapos saksakin ng isang construction worker sa Makati City, Nob. 14, Huwebes.

Kinilala ang biktima na si 2nd Lieutenant Jennett Beron Aguilar, nurse sa Armed Forces of the Philippines Hospital-V Luna, residente ng Barangay Comembo Makati.


Ayon sa ulat ng pulisya, bandang alas 2:00 ng madaling araw nang pagnakawan ng cellphone ng suspek na si John Louie Brosas, 19, ang biktima habang nag-aabang ng masasakyan sa Road 2.

Sabi ni Major Gideon Ines Jr., Makati City Police Investigation Unit chief, inamin ni Brosas ang dalawang beses na pananaksak sa dibdib ng biktima dahil nanlaban umano ito gamit ang isang bakal na tubo.

Nakita rin ang pagtakas ng suspek kung saan agad naman siyang nahuli sa construction site na kanyang pinagtatrabahuan.

Dito rin narekober ang cellphone na ninakaw niya sa biktima.

Naidala pa sa ospital si Aguilar ni Srgt. Norberto Capilitan, miyembro ng Philippine Army matapos makitang nakahandusay ito sa harap ng kanyang bahay, ngunit kalaunan ay binawian rin ng buhay.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, nalamang tinutulungan ni Aguilar ang suspek dahil naaawa siya rito.

“Sa imbestigasyon namin, binibigyan po ng biktima ng pangkain ito. Minsan daw, pera pambili ng bigas ibinibigay. Tapos minsan inuutus-utusan niya linisin kotse niya bago bigyan ng pera,” saad ni Ines.

Malapit lang rin daw ang bahay ng biktima sa site kaya nagkakilala niya si Brosas.

“Naawa siguro sa sitwasyon ng binatilyo kaya tinutulungan niya,” dagdag niya.

Facebook Comments

From Advertisers