Ilang bahagi ng Roxas Boulevard sa Maynila ang pansamantalang isinara ngayong umaga.
Ito ay dahil sa isinasagawang event ng Philippine Red Cross na tinawag na ‘Million Volunteer Run 5’ na layong suportahan ang pangangalap ng pondo ng PRC para ipamahagi sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
Mula alas-4:00 ng madaling araw hanggang alas 7:00 ng umaga, sarado sa motorista ang Roxas Blvd. mula P. Burgos hanggang Quirino grandstand.
Unang pinasimulan kaninang alas 5:25 ng umaga ang 5-kilometer run mula Quirino granstand at umikot sa P.Burgos pabalik sa pinanggalingan at sumunod ang 3K run bandang alas-5:50 kanina.
Ayon kay PRC Chairman at CEO Sen. Richard Gordon, lahat ng kalahok na runners ay mula sa Metro Manila.
Ang aktibidad sa Maynila ay sinasabayan din ng Red Cross Chapters sa buong bansa.
Kaugnay nito, nag-alok ng libreng sakay ang MRT-3 sa lahat ng mga lalahok sa Million Volunteer Run 5 ng Philippine Red Cross.
Maaaring ma-avail ito mula alas-5:00 hanggang alas-10:00 ng umaga.