Pansamantalang ipinasara ng Bureau of Customs at National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong warehouse sa Binondo at Divisoria, Maynila matapos madiskubreng nag-iimbak ng mga hinihinalang smuggled agricultural products.
Sa bisa ng letter of authority, nagsagawa ng operasyo ang mga tauhan ng Customs at NBI sa mga warehouse sa Sto. Cristo at Elcano Street.
Dito nadiskubre ang tinatayang P5-milyong halaga ng imported agricultural products kabilang ang mga gulay tulad ng broccoli, kamote, bell pepper, bawang at mga prutas tulad ng mansanas, ubas at orange.
Ayon sa kay Jovan Lugtu, Intel Officer 1 ng Manila International Container Port-Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS-MICP) Bureau of Customs (BOC), nag-ugat ang pagkakadiskubre sa mga hinihinalang smuggled na produkto matapos magreklamo ang ilang magsasaka na naglipana sa mga bodega sa Binondo at Divisoria ang mga imported at smuggled na agricultural products.
Nagsagawa ng surveillance, case build up at test buy ang mga intel ng Customs sa mga nasabing bodega at doon napatunayang may mga naka-imbak na gulay at prutas.
Hindi muna kinumpiska ang mga nakitang gulay at prutas at binigyan ng 15-araw na palugit ang mga may-ari ng bodega na magsumite ng kaukulang dokumento na magpapatunay na hindi smuggled at lehitimo ang mga produkto.
Kung mabibigo naman ay sisilbihan ng warrant of seizure and detention ang mga establisyemento at may-ari kung saan kukumpiskahin ang mga agricultural products.