
Nasabat ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang aabot sa P200-M halaga ng puslit na frozen Mackerel sa Port of Manila.
Ayon sa DA, ang 21 container vans ay galing sa China at dineklara bilang fried taro sticks, cuttle fish flavored balls, at taro sweet potato balls.
Malaki umano ang epekto ng mga nasabat na smuggled frozen Mackerel lalo na sa mga lokal na mangingisda.
Dagdag pa ng DA, fit for human consumption ang mga nasabat na frozen Mackerel at pinag-aaralan na ipamahagi sa ating mga kababayan na nangangailangan.
Aabot sa 720 metriko toneladang isda ang laman ng container na sasapat para maipamahagi sa 700,000 na mga pamilya.
Sa ngayon, 28 kumpanya na ang blacklisted kung saan apat ang nakasuhan na.
Kanina nang ininspeksyon ang mga container sa pangunguna ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno at DA Secretary Francisco Tiu Laurel.
Samantala, nagsampa na rin ng kaso ang BOC laban sa may-ari pati na rin ang mga broker na naglakad ng mga papel ng shipment.









