Naalarma si House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda na higit pa sa $160 million na cash ang pumapasok sa bansa na dala umano ng mga Chinese citizens mula Disyembre 2019 hanggang Pebrero 2020.
Ayon kay Salceda, “tip of the iceberg” lamang ang napabalitang milyong cold cash na nakalusot sa Bureau of Customs na posibleng ginagamit sa money laundering.
May impormasyon umano siya na aabot sa $1.02 Billion dollars ang cold cash na nakapasok sa bansa at ito ang bubusisiin ng komite sa executive meeting na isasagawa bukas.
Nababahala si Salceda na posibleng magamit sa politika ang napakalaking halaga ng salapi.
Tumanggi naman ang kongresista na tukuyin kung saang mga bansa nagmula at anong lahi ang may dala nang nasabing salapi dahil ito ang sisilipin sa pulong bukas.
Inimbitahan naman sa closed-door meeting bukas ang Customs, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Board of Investment (BOI), National Bureau of Investigation (NBI), Anti-Money Laundering Council (AMLC) at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).