𝐂𝐚𝐮𝐚𝐲𝐚𝐧 𝐂𝐢𝐭𝐲, 𝐈𝐬𝐚𝐛𝐞𝐥𝐚 – Inaasahang mabebenepisyuhan ang mahigit 1,300 na magsasaka ng libreng alagaing hayop sa ilalim ng Livestock and Poultry Assistance and Livelihood Project ng Department of Agriculture (DA) Region 2.
Ayon kay Regional Executive Director Narciso A. Edillo, kasalukuyan na ang ginagawang pagbili sa mga dagdag na ipamimigay na alagaing hayop na aabot sa 10,744 na mga manok at 39 na kambing na nagkakahalaga ng P3.9 milyon.
Kaugnay nito, una nang nabiyayaan na ang 216 magsasaka ng mga alagaing manok, bibe, kambing at baka na may kabuuang halaga na P2.170 milyon.
Samantala, pumalo naman sa P2 billion ang halaga ng mga nasirang pananim na mais sa buong Lambak ng Cagayan dahil sa naranasang drought o ‘tagtuyot’.
Kinumpirma naman ng DA Region 2 na umabot na sa 77,951 hectares ang partially damaged habang 10,667 hectares ang totally damaged at sa kabuuan ay 88,619 ektarya ng pananim na mais ang apektado sa buong rehiyon.
Una nang hiniling ng regional office sa tanggapan ni DA Sec. William DAR ang pondo na tinatayang nasa P887 milyon para sa rehabilitasyon sa mga apektadong lugar.