Nawalan ng malaking halaga ang isang grupo ng mga tulak ng droga sa Tuscany, Italy matapos masinghot ng mga baboy ramo ang cocaine na itinago nila sa gubat.
Nahukay at nagawang sirain ng mga baboy ang kontrabando na nagkakahalaga umano ng $22,000 o higit P1 milyon, ayon sa ulat Toscana Media News.
Nabuking ng awtoridad ang iligal na gawain matapos makinig sa usapan sa telepono ng dalawa sa mga suspek, kung saan ibinalita ng isa ang nangyari sa mga droga.
Kalaunan, nahuli rin ng pulisya ang grupo na binubuo ng isang Italian at tatlong Albanian na pare-parehong nahaharap sa kasong drug trafficking.
Ikunulong ang dalawa, habang naka-house arrest naman ang dalawa pa.
Matagal nang tinitiktikan ng pulisya ang grupo na sinasabing nagbebenta ng 2 kilo ng cocaine sa halagang $100 (P5,000) sa mga club sa Arezzo, buwan-buwan.
Sa kakahuyan sa Valdichiana Valley malapit sa Arezzo rin natagpuan ang mga ibinaong droga.
Samantala, hindi naman natukoy kung ano nang nangyari o kung gaano karami ang nasinghot na cocaine ng mga baboy ramo.