Aabot na sa dalawang milyong kabataan ang hindi nag-enroll sa senior high school.
Tinukoy ni Basic Education Chairman Senator Sherwin Gatchalian na sa 6.12 million na mga kabataang Pilipino na nasa edad 16 hanggang 18 taong gulang, nasa 4.18 million lamang ang naka-enroll sa senior high school.
Dahil dito, pinatututukan ni Gatchalian sa Department of Education (DepEd) ang dami ng mga kabataang hindi nag-enroll sa senior high.
Sa dalawang milyong kabataang nagtapos lang ng Grade 10 at hindi na tumuloy sa senior high school, maaari aniyang nakapagtrabaho na ang ilan sa mga ito o kaya naman ay maagang nagbuntis.
Mahalaga aniyang tutukan ito ng DepEd para matiyak na 100 percent ng mga kabataan ay mag-e-enroll sa senior high school.
Sa pagdinig ng Senado, inireport ni DepEd Information System Analyst Ariel Tandingan na sa school year 2017 hanggang 2018, nasa 47% lang ang nag-enroll sa senior high school at sa kasalukuyang school year 68% na ang naka-enroll.