Literal na “go green” ang pamamaraang ginawa ng isang pabrika sa China na nagtangkang lusutan ang inspeksyon ng gobyerno.
Ipinasara ng environment bureau sa Xintai ang plantang pagmamay-ari ng Changsheng Mining Industry Co. Ltd. matapos nilang pinturahan ng berde ang paligid para pagmukhaing napalilibutan ng puno ang lugar.
Sinuspinde rin ang mga taong nasa likod ng pagpipintura at binigyan ng isang buwang palugit para tanggalin sa lugar ang mga berdeng bato, ayon sa pahayagang The Paper.
Ayon sa mga ulat, noong nakaraang taon pa sinimulan ng pabrika ang pagpipintura ng batuhan, sa pag-asang malilinlang nila ang awtoridad.
Sa satellite images, halatang mga pininturahang bato ang nakapaligid sa planta; taliwas sa inakala ng kompanya na magmumukhang ma-puno ang lugar.
Sa kabila ng pagpapasara rito, nakikita pa rin umano ang ilang manggagawang naghuhukay at mga trak na labas-pasok sa lugar.
Tinawag ng deputy secretary ng Xintai Municipal Party Committee at mayor ng Xintai na si Zhao Shugang ang Changsheng Rock Material Factory na “a company without conscience.”
Ayon sa Sixth Tone, ang naturang inspeksyon ay bahagi ng programa ng China upang solusyunan ang matagal nang problema sa kapaligiran.