Minaltratong kasambahay na si Elvie Vergara at mga dating amo na nang-abuso sa kanya, nagharap sa Senado

Nagharap na sa imbestigasyon ng Senado ang minaltratong kasambahay na si Elvie Vergara at ang mga dating amo nito sa Occidental Mindoro na inirereklamo na nanakit sa kasambahay.

Humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang mag-asawang France at Pablo Ruiz.

Todo tanggi ang mag-asawa sa mga senador na binugbog at hindi nila pinapasweldo ang aniya’y “Ate Elvie” na tawag niya sa kasambahay.


Itinatanggi ng mag-asawa ang nangyari sa pisikal na itsura ni Vergara at sa bersyon nila, 2020 nang mamasukan sa kanila ang kasambahay at may puti-puti na ito sa mata at nagkakasugat sa katawan dahil sa pagkakamot dahil kada apat o limang araw umano ito bago maligo.

Itinuro din ng mga dating amo na ang houseboy na si “JM” na may galit kay Vergara ang nanuntok at nanadyak sa kasambahay.

Inamin naman ng mga dating amo na hindi nila pinadoktor noon si Vergara.

Sinasabi pa ng mga dating amo na P5,000 ang buwanang sahod ni Vergara at nang umalis ang kasambahay ay ipinadala nila ang P20,000 na sweldong ipinaipon ni Elvie.

Subalit, lahat ng mga pahayag ng mga dating amo ay itinanggi ni Vergara.

Aniya, 2017 siya namasukan sa pamilyang Ruiz at hindi siya bulag, walang mga sugat noong bago at hindi rin siya pinapasweldo.

Sa pagdinig ay iginiit ng state prosecutor na nilabag ng mga amo ni Vergara ang Batas Kasambahay dahil sa pananakit at hindi pagpapasweldo.

Facebook Comments