Dapat na magpatupad ng dagdag na minimum health protocols ang pamahalaan sa mga pampublikong transportasyon.
Ito ang mungkahi ng UP OCTA Research Team matapos na aprubahan ng Inter-Agency Task Force ang panukalang “one-seat apart” rule para mapataas ang public transport capacity bilang tulong sa muling pagbuhay ng ekonomiya.
Sa interview ng RMN Manila, nanindigan si Dr. Butch Ong na isang metro ang minimum health standard base na rin sa rekomendasyon ng World Health Organization.
Giit pa ng medical expert, dapat na pag-aralang mabuti ng gobyerno ang isang partikular na industriya bago ito buksan.
“A less than 1 meter can be possible but kailangan may iba pang safety pieces na dadagdag, buksan ang bintana, face shield. Pero kailangan ding pag-aralan, ‘yun ang sinasabi ko simula naman talaga na we have to study every industry bago maglabas ng mga recommendations or policy ‘no,” ani Dr. Ong.