Itinaaas na ang minimum na pamasahe ng tricycle sa lungsod ng Parañaque mula sa dating P8.00 bawat pasahero ay P12.00 na ito ngayon.
Base sa City Ordinance No. 37-22, Series of 2022 na ipinasa sa konseho, agad na sinimulan ang pagpapatupad ng bagong pamasahe sa tricycle.
Bukod sa pagtaas ng pamasahe sa tricycle, mayroon din na P.50 sentimo na magiging karagdagan sa bawat kilometrong layo na tatakbuhin habang sa mga special trips naman ay papatak na sa P36.00 na triple sa regular na pamasahe.
Hindi naman mawawala ang 20% na discount para sa mga senior citizens, estudyante at ang Persons With Disability (PWDs).
Ayon kay Parañaque City Mayor Eric Olivarez, ang pagtaas ng minimum na pamasahe sa tricycle ay bunsod ng hiling ng Federation of Parañaque Tricycle Operators and Drivers Association (FEPTODA) na sinang-ayunan at inaprubahan naman ng City Council.
Sinabi ni Olivarez na ang minimum na pamasahe sa tricycle sa lungsod ay nanatili sa halagang P8 simula pa noong 2008.
Aniya, noong mga panahon na iyon, ang halaga pa ng gasolina ay naglalaro lamang sa P35.00 hanggang P40.00 kada litro na kung ikukumpara ngayon ay nasa mahigit P60.00 na ang halaga.