Minimum na pasahe sa jeep sa buong bansa, ₱11 na simula bukas

Inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang dalawang pisong dagdag sa minimum na pasahe sa mga bumibiyaheng tradisyunal na jeep sa buong bansa.

Batay sa pitong pahinang order na nilagdaan ni LTFRB Chairman Martin Delgra III, layon nitong maibsan ang pasanin ng mga tsuper sa gitna ng serye ng taas presyo sa petrolyo.

Ibig sabihin, nasa P11 na ang minimum fare sa jeep sa buong bansa simula bukas, July 1.


Una niyan ay itinaas sa P10 ang minimum fare sa National Capital Region, Central Luzon at CALABARZON.

Aprubado na rin ang dalawang piso naman na dagdag sa minimum fare ng mga modernong jeep kung kaya’t nasa P13 na ang pamasahe mula sa P11.

Ayon sa LTFRB, inaprubahan ang desisyon matapos nilang kumonsulta sa National Economic Development Authority (NEDA) at mga nasa sektor ng transportasyon.

Sa kabila nito, hindi pa nadedesisyunan ang petisyon ng ilang transport groups kaugnay sa limang pisong taas pasahe at sa halip ay ipapasa na lamang ito sa administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Facebook Comments