
Nanawagan si House Deputy Speaker at Trade Union Congress of the Philippines o TUCP Party-list Rep. Raymond Democrito Mendoza sa Department of Transportation o DOTr na isama ang mga minimum wage earners sa pagkakalooban ng 50% na diskwento sa MRT-3 at LRT lines 1 at 2.
Layunin ng mungkahi ni Mendoza na mabigyan ng ginhawa ang manggagawang saklaw ng minimum wage habang hindi pa naisasakatuparan ang pagsasabatas ng panukalang legislated wage hike para sa kanilang hanay.
Sa pagtaya ni Mendoza, makakatipid ng P840.00 kada buwan o extra na P35.00 na take home pay kada araw ang bawat minimum wage earner kung magkakaroon sila ng 50 percent discount sa MRT at LRT.
Ang nabanggit na kahilingan ni Mendoza ay makaraang i-anunsyo ni Transportation Secretary Vince Dizon ang planong paglulunsad sa Setyembre ng special beep cards na awtomatikong may 50% discount para sa mga estudyante, senior citizens, at persons with disabilities.









