Manila, Philippines – Iginiit ng House Committee on Good Government and Public Accountability na iligal talaga ang binuong mining audit team ng DENR.
Sa pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Cong. Johnny Pimentel, napag-alaman na ang mga itinalaga sa mining audit ay mga NGOs o mga grupo na anti-mining at maging ang mga pari na kilalang kontra sa minahan.
Nasermunan ang Mines and Geosciences Bureau o MGB sa pangunguna ni Usec. Leo Jasareno na ang dapat na itinatalaga sa mining audit team ay mga competent at skilled personnel tulad ng mga geologist para alam kung ano ang paglabag na ginawa ng mga minahan.
Sa nangyari aniya sa mining audit team ay ipinasara agad ang mga minahan na hindi man lang nalalaman ang dahilan.
Sinabi naman ni Surigao del Norte Rep. Robert Barbers na iligal ang ginawa ng DENR dahil bago ang mining audit ay ipinasasara na ang mga minahan at hinayaan lamang na lumaki ang paglabag ng mga ito.
Hanggang ngayon din ay wala pang audit report para sa 23 minahan na kinansela ang operasyon.
Humihingi ng konsiderasyon si Barbers sa DENR na ayusin ang problema dahil marami ang maaapektuhan lalo na ang mga naghahanapbuhay dahil sa minahan.